DUMEPENSA | Benguet Mining Corporation, itinangging isinusulong nito ang small scale mining sa Itogon, Benguet

Naglabas na ng pahayag ang Benguet Mining Corporation kasunod ng nangyaring landslide sa Barangay Ucab, Itogon, Benguet.

Ayon sa Benguet Mining Corporation, ang mga small scale miner na natabunan sa pagguho ng lupa ay illegal na nag-o-operate sa Antamok mines na kanilang pag-aari.

Anila, kahit sinuspendi na ang mga operasyon ng pagmimina noong 1992 at 1997 sa Antamok ay patuloy pa ring pumupunta ang mga small scale miners.


Hindi anila sumusunod ang mga small scale miners sa kabila ng kanilang mga babala.

Paliwanag pa ng Benguet Mining Corporation, kahit ang 2009 moratorium noon ng DENR ay binaliwala ng mga ito.

Sinulatan rin raw ng Benguet Mining Corporation ang DENR national task force mining challenge para sa tuluyang pagpapasara at pagpapahinto sa illegal na pagmimina sa mga pag-aari ng kumpaniya sa Itogon.

Nilinaw rin ng Benguet Mining Corporation na hindi sila pumasok sa anumang uri ng profit sharing arrangement sa mga small scale miners.

Facebook Comments