Manila, Philippines – Bumuwelta si dating Pangulong Noynoy Aquino sa paninisi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa umano ay kabiguan ng bansa na komprontahin ang China sa kanilang militarisasyon sa West Philippine Sea.
Giit ni Aquino, mali ang punto ni Duterte dahil Pangulo na siya noong July 12, 2016 nang nagdesisyon ang permanent court of arbitration pabor sa Pilipinas na nagpapawalang bisa sa historic claims ng China sa West Philippine Sea.
Pero isinantabi aniya ni Duterte ang ruling at sa halip ay ipinagpatuloy ang pakikipagkaibigan sa China.
Ayon pa kay Aquino, nang ipinaglaban ng Pilipinas ang karapatan sa WPS sa ilalim ng kanyang administrasyon ay iisa lang ang kaalyado nito sa southeast Asian nations at iyon ay ang Vietnam.
Tinukoy pa ni Aquino ang 2002 declaration ng conduct of parties sa WPS, isang kasunduan sa pagitan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Beijing.