Manila, Philippines – Ipinagtanggol ni Senate President Tito Sotto III si Pangulong Rodrigo Duterte sa isyung nag-power nap ito o natulog kaya hindi nakadalo sa ilang event ng katatapos na Association of Southeast Asian Nation o ASEAN Summit na ginanap sa Singapore.
Ayon kay Sotto, asahan na ang batikos mula sa mga kritiko ng Pangulo kahit ano ang gawin nito.
Dagdag pa ni Sotto, kilala na niya si Pangulong Duterte simula pa noong 1988 na hindi talaga nakakatulog ng maaga kaya hirap ding gumising ng maaga.
Ang mahalaga aniya ay may kinatawan ang Pilipinas sa mga ASEAN events na hindi nito dinaluhan.
Mesahe pa ni Sotto sa mga pumupuna sa Pangulo, wala din naman ang mga ito sa mga events ng ASEAN para ikumpara ang Pangulo sa ibang ASEAN leaders na hindi naman tiyak kung nakadalo din sa lahat ng ASEAN meetings.
Katwiran naman ni Senator JV Ejercito, hindi natin alam ang tunay na kondisyon ng Pangulo kaya mas pinili nito ang mag-power nap.
Paliwanag naman ni Senator Francis Chiz Escudero, desisyon ng Pangulo ang mag-power nap at marami itong factors na alam at ikinonsidera kung kailangan niyang mag-attend o hindi sa mga events ng ASEAN.
Sabi ni Escudero, dahil tayo ay demokrasya, asahan ng may kakampi at babatikos sa Pangulo ang mahalaga ay nagkaroon ang ating bansa ng representasyon sa ASEAN Summit.