Manila, Philippines – Dumepensa ang COMELEC sa reklamo ng ilang kakandidato sa bagong item na nakapaloob sa Certificate Of Candidacy.
Partikular ang item no.22 sa COC kung saan tinatanong ang kandidato kung siya ba ay dati nang nahatulan sa kaso.
Sinabi ni COMELEC Spokesman James Jimenez na bago ang naturang item at layon lamang nito na malaman ng COMELEC kung kuwalipikado ba o hindi na tumakbo sa posisyon ang isang kandidato.
Aniya, ang COC ay isang “verified” document na hindi dapat dayain ang impormasyon ng isang kandidato.
Sakali naman aniyang nahatulan na ang isang kandidato ay may parte naman aniya sa likurang bahagi ng COC na maaring sulatan para sa “case history” tulad halimbawa kung ang kaso ay nakaapela sa hukuman o nakabinbin pa sa korte.
Iginiit ni Jimenez na ayaw nilang masisi sa bandang huli na pinayagan ang isang pulitiko na makatakbo sa halalan sa kabila ng mga sirkumstansya na maaring magdulot ng diskwalipikasyon sa isang pulitiko.
Layun din aniya nito na maiwasan ang disqualification cases na kadalasang inihahain sa kandidato kapag ito ay nanalo na.