DUMEPENSA | Malacañang, sinalag ang mga batikos kay SAP Go

Manila, Philippines – Dumepensa ang Palasyo ng MalacaƱang sa mga batikos na natatanggap ngayon ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go matapos mapabalita na kabilang ito sa mga principal sponsors sa kasal ng anak ni dating Governor Zaldy Ampatuan na isa sa mga pangunahing suspect sa Maguindanao massacre.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, araw-araw ay maraming natatanggap na sulat o mga imbitasyon si Secretary Go pero base sa aniya dito ay wala talaga itong natanggap na imbitasyon para sa kontrobersiyal na kasal.

Sinabi ni Andanar na sakali mang kasama nga si Go sa mga principal sponsors ay hindi naman ito dumalo sa kasal.


Tiniyak din nito na hindi humihina ang kaso ng mga Ampatuan sa Maguindanao massacre at nagpapatuloy pa nga ang pagtutok dito ng presidential taskforce on media security.

Binigyang diin din ni Andanar na hindi tinatantanan ni Undersecretary Joel Egco ang kaso ng mga napaslang na mamamahayag at magpapatuloy ito hanggang hindi nabibigyan ng katarungan ang pagpatay sa mga ito.

Facebook Comments