DUMEPENSA | Pagtawag ng Pangulo sa Diyos na estupido, paninindigan lang ng Pangulo – Malacañang

Manila, Philippines – Ipinagtanggol ng Palasyo ng Malacañang si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga batikos ng mga Katoliko lalo na ng simbahang Katoliko matapos nitong tawaging estupido ang Panginoon.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, ang binanggit ng Pangulo ay ang kanyang personal na paninindigan at malaya naman ang lahat sa anumang pananampalataya at kasama aniya dito ang wala kang pinaniniwalaan na pananampalataya.

Paliwanag pa ni Roque, mayroong personal na ispiritwalidad si Pangulong Duterte at hindi na ito kailangang bigyan pa ng interpretasyon.


Naniniwala din naman si Roque na ang pinagmulan ng paninindigan ng Pangulo ay mula sa karanasan nito noong siya ay bata pa na diumano ay naabuso ng isang pari.

Naniniwala din si Roque na itong issue na ito ay dapat harapin ng simbahan dahil hindi ito maaaring kalimutan dahil kailangan itong aminin at humingi ng tawad sa mga naging biktima gaya ni Pangulong Duterte.

Binigyang diin pa ni Roque na walang itinago si Pangulong Duterte nang ito ay tumakbo at nanalo sa pagkapangulo noong 2016.

Sinabi din ni Roque na hindi mo mapupulaan ang Presidente kung wala siyang kaplastikan sa kanyang katawan, dapat aniyang tanggapin na ganyan ang Pangulo, dahil noong humingi siya ng mandato sa taumbayan ay hindi naman niya ito itinago.

Facebook Comments