Manila, Philippines – Ipinagtanggol nina Senator Panfilo Ping Lacson at Senator Win Gatchalian ang planong pagtatayo ng gusali ng Senado na gagastusan ng halos P5 bilyon.
Itatayo ang gusali mula Enero 2019 hanggang Disyembre 2020 sa bibilhing lote ng Bases Conversion Development Authority o BCDA sa Bonifacio Global City.
Ayon kay Lacson, mali ang impormasyon ni dating Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao na masyadong maluho ang itatayong gusali dahil 10-bilyong piso ang gugugulin dito na mas mabuting gastusin sa ibang mas importanteng bagay.
Paliwanag nina Lacson at Gatchalian, nagpasyang magpatayo ng gusali ang Senado dahil sayang ang P127 milyon na taunang ibinabayad simula noong 1992 para sa renta ng kasalukuyang gusali ng Senado na pag-aari ng GSIS.
Dagdag pa ni Lacson, bilang chairman ng committee on accounts ay tinupad lang niya ang ilang beses na pinlanong paghahanap ng tirahan ng Senado para hindi masayang ang pondo nito sa pag-upa.
Diin naman ni Senator Gatchalian, nakatipid pa ang Senado dahil 50,000 pesos per square meter lamang ang gagastusin sa kanilang gusali gayong umaabot sa 80,000 pesos per square meter ang mga high end na gusali sa Fort Bonifacio.
Sinabi pa ni Gatchalian na halos 80% naman ang diskwentong nakuha ng senado sa lupa ng BCDA na nagkakahalaga lang ng 90,000 pesos per square meter kumpara sa karaniwang lupain sa Fort Bonifacio na nagkalahalaga ng 350,000 pesos per square meter.