Manila, Philippines – Dumepensa si Acts OFW Party-List Representative John Bertiz matapos kumalat sa social media ang video nito sa paliparan.
Sa viral video na kuha noong umaga ng September 29 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2, makikita ang pagdaan ni Bertiz sa isang metal detector.
Makikita rin sa video na tila galit na ipinakita ni Bertiz sa airport personnel ang isang ID saka binalikan ang naturang airport staff at hinablot ang ID nito.
Paliwanag ni Bertiz, na-edit na ang video at hindi isinama ang pagsita niya sa screening officer na pinadaan lang sa metal detector ang ilang dayuhang nakasapatos din.
Giit pa ni Bertiz, hindi rin niya nagustuhan ang basta-basta na lang pagkuha ng mga tauhan sa NAIA ng kopya ng CCTV footage gayung pahirapan para sa mga awtoridad ang makakuha nito.
Tiniyak naman ni Department of Transportation Undersecretary Arturo Evangelista na iniimbestigahan na nila ang insidente.
Aniya, sa ilalim sa security condition 2 na ipinapatupad sa NAIA, obligado ang lahat ng pasahero na magtanggal ng kanilang sapatos para isailalim sa inspeksiyon.
Matatandaang nag-viral na din noon si Bertiz matapos magbiro na hindi makukuha ng bagong batch ng mga inhenyero ang kanilang mga lisensiya mula sa Professional Regulatory Commission (PRC) kung hindi nila kilala si Special Assistant to the President Bong Go.