Manila, Philippines – Dumipensa si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa desisyon ng DOJ panel of prosecutors kung saan inabsuwelto sa 6.4-billion pesos drug shipment ang mga dating opisyal ng Bureau of Customs (BOC).
Ayon kay Aguirre, ang DOJ ay nagreresolba ng mga kaso base sa mga ebidensyang isinusumite sa kanila.
Ang pananagutan din aniya ng Customs officials na natukoy sa ginawang senate investigation ay hindi umabot sa DOJ prosecutors.
Nilinaw din ni Aguirre na walang kinalaman ang kanyang tanggapan sa inilabas na resolusyon ng panel kaugnay ng shabu shipment.
Sa katunayan din aniya, hindi pa niya nababasa ang resolusyon ng National Prosecution Service.
Idinagdag ng kalihim na maaari namang maghain ng apela ang mga naagrabyadong partido.