Manila, Philippines – Pinaiimbestigahan ni Buhay PL Rep. Lito Atienza sa House Committee on Good Government and Public Accountability ang paggamit ng mga kumpanya ng dummy corporations na nagmamay-ari ng fish pens at ilan pang illegal structures sa Laguna Lake.
Sa report ng Commission on Audit (COA), lumabas na mayorya ng mga fish pens na sakop ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ay hawak at ino-operate ng mga pekeng koporasyon.
Ayon kay Atienza, dapat na mapaimbestigahan ng Kamara kung papaano nakakuha ng permit ang mga dummy corporations at mapanagot ang mga nasa likod nito.
Kasabay nito ay hinikayat ni Atienza ang LLDA sa pagtanggal ng mga illegal fish pens sa Laguna Lake bilang tugon na rin sa nakaraang utos noon ni Pangulong Duterte na i-clear ang lake.
Ang pag-dismantle sa mga fish pens ay bahagi ng rehabilitation at revitalization bilang pagbuhay sa dating ganda ng Laguna Lake.
Iminungkahi pa ng kongresista na gumamit ng backhoe para mapabilis ang pagbuwag sa mga fish pens.