Duplikasyon sa mga proyekto ng DPWH, muling binusisi ng Senado sa plenaryo

Muling inungkat sa plenaryo ng Senado ang duplikasyon ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa pagtalakay ng 2026 DPWH budget, binusisi ni Senate President pro-tempore Ping Lacson ang duplikasyon ng mga DPWH projects sa dalawang programa ng ahensya, ang Sustainable Infrastructure Projects Alleviating Gaps o SIPAG at Basic Infrastructure Programs o BIP.

Tinukoy ni Lacson na may mga proyekto sa ilalim ng dalawang programa na pareho ang description pero magkaiba ang halaga ng alokasyon at mayroon ding magkatulad ang description pero nasa SIPAG ang phase 1 habang nasa BIP ang phase 2.

Iginiit naman ni Senator Sherwin Gatchalian na siyang sponsor ng DPWH budget sa plenaryo na sa committee level ay nilinis na nila sa mga duplikasyon ang DPWH budget.

Bilang remedyo at base sa rekomendasyon ni DPWH Secretary Vince Dizon, pagsasamahin na lang ang SIPAG at BIP at maglalagay na ng station numbers at technical description abg bawat proyekto sa halip na phase 1 at phase 2 ang nakalagay.

Facebook Comments