Handa na muli si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na humarap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa umano’y overpriced na COVID-19 supplies na binili ng kaniyang ahensya.
Inihayag ito ni Duque sa Senate hearing para sa P242-billion proposed budget ng DOH at sa kabila na rin ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na dumalo sa pagdinig ng Senado.
Sa pagtatanong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa kalihim kung sang-ayon ba ito sa panawagan ng 300 doktor na ipagpatuloy ang pagdinig kaugnay sa mga anomalya sa Pharmally Pharmaceutical Corporation ay sinabi ni Duque na pabor siya dito.
Kailangan rin kasi aniya ng DOH officials na pagtuunan ng pansin ang mga pangangailangan ng taumbayan sa panahon ng state of public health emergency.