Tiniyak ng Department of Health (DOH) na hindi makakaapekto sa nagpapatuloy na COVID-19 pandemic response ng ahensya ang ginagawa nitong paghahanda para sa transition sa susunod na administrasyon.
Paliwanag ni Health Secretary Francisco Duque III, mananatili naman sa kagawaran ang mga ospiyal na nakakaalam sa mga programang tumutugon sa pandemya.
Kasabay nito, ipinagmalaki ng kalihim na ‘best legacy’ ng DOH ang “playbook” ng COVID-19 pandemic response nito na maaari ring magamit ng mga susunod na administrasyon sa pagtugon sa mga darating pang pandemya sa hinaharap.
“Marami tayong ibibigay, yung playbook, yung narrative ng COVID-19 pandemic, ano yung mga best practices. Halimbawa, yung alert level system, magandang practice yan na for every alert level, alam mo na kung ano yung mga intervention, ano yung mga hakbang na gagawin mo, yung next administration hindi na mangangapa kasi andun na lahat e,” ani Duque.
Samantala, umaasa rin ng DOH na maipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) Law na una nang naantala dahil sa pandemya.
“Ang dami nating naipasang batas, mga 11 e na major landmark pieces of legislation. Pero syempre hanggang nabuo natin yung mga implementing rules and regulations (IRR) e hindi naman sapat yung batas lang. kailangang gumawa ng IRR, guidelines, circular, protocols,” dagdag ng kalihim.