Binigyang diin ni Senator Christopher “Bong” Go na ginagawa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat para matiyak na magiging mapayapa at mapagkakatiwalaan ang papalapit na eleksyon.
Ayon kay Go, nais ng pangulo na masiguro na ang magiging resulta ng botohan ay sumasalamin sa tunay na kagustuhan ng mamamayang Pilipino.
Binanggit ni Go, na nagbigay ng deriktiba ang pangulo sa militar at civil authorities na tulungan ang Commission on Elections (COMELEC) sa layuning maiwasan ang anumang karahasang konektado sa halalan.
Una rito ay ibinunyag ni Pangulong Duterte ang intelligence information na may mga rebelde at iba pang grupo ang umano’y nagtutulungan para pahinain ang darating na halalan.
Kaugnay nito , sinabi ni Go na responsibilidad ng lahat ng kandidato na sumunod sa legal na mekanismo at tuparin ang pangako para sa mapayapa at maayos na kampanya.
Hiniling din ni Go sa mga kandidato na pagsabihan ang kanilang mga supporters na tutulan ang anumang aktibidad na ilegal tulad ng karahasan at pandaraya.