Duterte Administration, maaari pa ring managot sa usapin ng crimes against humanity kahit kumalas na sa Rome Statute Treaty ng ICC

Maaari pa ring managot ang Duterte Administration kung mapapatunayang may pananagutan ito sa usapin ng crimes against humanity kahit kumalas na ang Pilipinas sa Rome Statute Treaty noong nakaraang taon.

Ito ang paniwala ni Integrated Bar of the Philippines President Domingo Cayosa matapos ihayag ng chief prosecutor ng International Criminal Court (ICC) na si Fatou Bensouda na may “reasonable basis” para paniwalaan na nakagawa ng crimes against humanity ang Duterte Administration sa madugong kampanya nito kontra iligal na droga sa bansa.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Cayosa na maaari pa ring maki-alam ang ICC lalo na’t March 2019 lang kumalas ang bansa sa Rome Statute, gayong Febrauary 2018 nang umpisahan ng ICC ang preliminary investigation nito sa umano’y Extra Judicial Killings sa Pilipinas.


Nakatutok ang preliminary investigation ng ICC sa mga krimen na ginawa ng Duterte Administration mula sa pag-upo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pwesto noong 2016 hanggang March 2019.

Kabilang dito ang mga kaso ng pagpatay, pagtorture at iba pang crimes against humanity sa anti-drug war campaign ng pamahalaan.

Kaya naman payo ni Cayosa sa pamahalaan, imbestigahan, parusahan at kasuhan ang mga posibleng nakagawa ng EJK sa hanay ng otoridad.

Facebook Comments