
Kinumpirma ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na nakapagbigay na ang Duterte bloc o ang tinatawag ngayong Duter7 (DuterSeven) ng commitment ng pagsuporta para manatili sa pwesto si Senate President Chiz Escudero sa pagbubukas ng 20th Congress.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Dela Rosa na nakapirma na siya sa resolusyon para suportahan ang Senate presidency ni Escudero.
Bagama’t hindi tiyak ng senador kung ang kasamahan sa Duter7 na si Senator Imee Marcos ay nag-commit na rin para kay Escudero, isa lamang ang nasisiguro ni Dela Rosa, at ito ay mas pumapanig silang suportahan ang pananatili ni Escudero bilang SP.
Nilinaw ni Dela Rosa na wala silang hininging kapalit na committee chairmanship o kaya tungkol sa impeachment proceedings kaya mas pinili nilang suportahan si Escudero.
Giit ni Dela Rosa, pinakamalaking factor sa kanilang desisyon ay ang pagiging bukas at pakikinig ni Escudero sa lahat na siyang nagustuhan ng Duter7.
Ang Duter7 ay binubuo nina Senators Bato dela Rosa, Imee Marcos, Bong Go, Rodante Marcoleta, Robinhood Padilla, Camille Villar at Mark Villar.









