‘Duterte magic’ isang malaking bentahe ng mga kandidato ng administrasyon sa pagka-senador

Manila, Philippines – Pinuri ng Palasyo ng Malacañang ang mamamayan sa pagpapakita ng kanilang kapangyarihang pumili ng kanilang gustong maluklok sa posisyon nitong nakalipas na halalan.

Ito ang mensahe ng Palasyo ng Malacañang para sa nakaraang halalan kung saan ay malinaw na nangunguna ang mga kandidato na inindorso ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, kahit hindi pa opisyal ay hindi na mapipigilan pa ang panalo ng mga kandidato ni Pangulong Duterte sa pagka-senador at dahil ito sa tinatawag na Duterte magic.


Ipinakita aniya nito na sinusuportahan ng mamamayan ang mga kandidato na magpapatuloy ng mga pagbabagong dala ng administrasyong Duterte na makatutulong sa paggawa ng mga batas na magpapagaan ng buhay ng bawat Pilipino.

Ang pangunguna aniya ng mga kandidato ng administrasyon ay isang malakas na mensahe sa mga kandidato ng Otso Diretso na ang gusto ng publiko ay ang katatagan at pagpapatuloy ng mga tunay na pagbabago na sinimulan ng administrasyon at maghalal ng mga senador na makatutulong at hindi magiging hadlang sa pagbuo ng legislative agenda ng Pangulo.

Ipinakita din aniya nito na hindi pinaniwalaan ng mga botante ang mga negatibong propaganda na inilabas ng oposisyon laban kay Pangulong Duterte at sa kanyang administrasyon tulad ng extra-judicial killings, drug war, issue sa South China Sea at marami pang iba.

 

Facebook Comments