Nababahala ang Palasyo sa datos kung saan higit isang libong health workers na sa bansa ang tinamaan ng Coronavirus Disease.
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, kung tuluyang magkakasakit ang ating mga frontliners ay wala nang mag-aalaga at kakalinga sa mga may COVID-19.
Kasunod nito sinabi ni Sec. Roque na gumagawa na ng hakbang ang pamahalaan upang matuldukan na ang pagkakasakit ng ating mga medical frontliners.
Kabilang na dito ang pagpapatupad ng tinatawag na ‘Infectious Operational Protocol’ at pagbili ng maraming PPEs para sa ating mga health workers.
Sinabi pa ni Roque na inirekumenda ng mga eksperto mula sa China na iklian ang duty ng ating mga frontliners at mag hire ng karagdagang medical personnel nang sa ganun ay makakapahinga din ang mga tinaguriang bagong bayani.
Sa datos ng DOH, 422 mga doctors, 386 nurses, 30 medical technologists, 21 radiological technologists, 51 nursing assistants at 152 medical personnel tulad ng administrative staff ang tinamaan ng COVID-19.