Manila, Philippines – Duwag at isang talunan ang ipinapakita umano ni Pangulong Duterte matapos na magbitiw ito ng biro na gawing probinsya na lamang ng China ang Pilipinas.
Ayon kay Anakpawis PL Rep. Ariel Casilao, hindi aniya isang katatawanan ang bansa at hindi magandang biro ang sinabi ng Presidente.
Sinabi pa ni Casilao na kahit ito ay isang joke, malinaw na ipinapakita ng iresponsableng pahayag ng Pangulo na isang talunan ang bansa sa China at hindi kayang panghawakan ang karapatan ng bansa sa pinagaagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Aniya pa, nagtatapang-tapangan lamang ang Pangulo sa mga kritiko nito pero pagdating sa China ay halos ipamigay na ang bansa.
Tinawag ni Casilao na hindi makabayan ang biro ng Pangulo na maaaring mas lalong maging daan para maliitin pa lalo ang bansa ng China.