
Nagsampa na ng reklamo ang isang biktima matapos umano siyang suntukin at masugatan ng kapwa e-bike driver dahil sa alitan sa pasahero sa siyudad ng Davao.
Kinilala ang biktima na si alyas “Ar-ar”, 47 taong gulang, residente ng Barangay Centro, Agdao, Davao City.
Ayon sa kanya, matapos niyang maghatid ng pasahero, agad siyang hinarang at kinompronta ng kapwa driver na si alyas “Renren” sa Barangay Ubalde, R. Castillo Street, kung saan pinagpilitan ng suspek na inagawan niya ito ng pasahero.
Sa gitna ng mainit na alitan, bigla na lamang umanong sinuntok ng suspek ang biktima na nagtamo ng sugat sa taas ng kilay.
Batay sa ipinakitang medical certificate mula sa Southern Philippines Medical Center (SPMC), umaabot sa tatlong sentimetro ang haba ng sugat at kinakailangang magpahinga ang biktima nang pitong araw.
Isinumite na rin ang reklamo sa pulisya para sa pormal na dokumentasyon at isasailalim ito sa masusing imbestigasyon.








