
Nilinaw ng Land Transportation Office (LTO) sa lahat ng mga motorista na ang mga digital license (e-driver’s license) na nakukuha sa pamamagitan ng Land Transportation Management System (LTMS) ay kinikilala bilang wastong pagkakakilanlan para sa pagmamaneho ng mga sasakyan.
Alinsunod ito sa Departmet of Transportation DOTr Department Order No. 2023-015 na inilabas noong 2023.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, maaaring ipakita ang digital na lisensya sa mga awtoridad tuwing may nakatakdang inspeksiyon ng trapiko o kapag nahuli sa paglabag sa batas-trapiko dahil ito ay puwedeng pamalit sa pisikal na card.
Binigyang-diin ni Lacanilao na ang mga law enforcer ng LTO at kanilang mga deputized agent ay kailangan na tanggapin ang e-driver’s license sa dalawang sitwasyong ito.
Mahalagang tandaan na ang tanging opisyal na digital na bersyon ng lisensiya ng driver ay ang mga ma-access lamang sa sariling LTMS account ng driver.
Hindi naman kikilalanin bilang wasto ng mga enforcer ng LTO ang ibang digital ID, screenshot o photocopy.
Ang e-driver’s license ay awtomatikong makukuha ng mga driver kapag nag-aapply para sa bagong lisensya o nagre-renew ng kasalukuyang lisensya sa pamamagitan ng LTMS portal.
Maaari itong ma-access sa pamamagitan ng LTMS platform o sa eGovPH digital services portal.










