Kasabay ng anunsyo mula sa Land Transportation Office, ipinaalala sa mga motorista sa Dagupan City na maaari nang gamitin at ipakita ang e-driver’s license sa mga checkpoint at traffic inspection bilang kapalit ng pisikal o aktwal na lisensya.
Ayon sa tanggapan, valid na ang e-driver’s license na makikita sa Land Transportation Management System (LTMS) at tinatanggap ito ng mga traffic enforcer at deputized agents sa lungsod, lalo na kung walang dalang pisikal na lisensya ang isang motorista.
Iginiit ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, mahalagang tandaan na tanging ang e-driver’s license na direktang ina-access mula sa sariling LTMS account ang kinikilala. Hindi umano valid ang screenshot, litrato, o photocopy ng digital license.
Ang e-driver’s license ay awtomatikong ibinibigay sa mga nag-a-apply o nagre-renew ng lisensya sa pamamagitan ng LTMS at maaari ring ma-access gamit ang eGovPH app.
Kaugnay nito, hinihikayat ng pamahalaang lungsod ang mga motorista sa Dagupan City na tiyaking may maayos silang access sa kanilang LTMS account upang maiwasan ang abala sa mga checkpoint at masigurong maayos ang daloy ng trapiko sa lungsod. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










