
Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang E-Governance Act o Republic Act 12254 na layong gawing moderno at digital ang lahat ng serbisyo ng gobyerno.
Sa ilalim nito, gagamit na ng iisang online system para mas mabilis ang proseso ng aplikasyon, bayaran, at pagkuha ng mga dokumento mula sa national government offices hanggang sa mga lokal na pamahalaan.
Magiging iisa na rin ang portal o website na magsisilbing sentro ng lahat ng transaksiyon sa gobyerno sa bagong sistema.
Kasama rito ang paggamit ng digital signatures, online payments, at cloud-based solutions para mabawasan ang papel, mapabilis ang serbisyo, at maiwasan ang korapsyon.
Ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mamamahala sa pagpapatupad ng batas at makikipagtulungan sa iba pang tanggapan para masigurong susunod ang buong bansa sa digital shift.









