Iminungkahi ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee sa Land Transportation Office (LTO) na samantalahin ang teknolohiya sa pamamagitan ng paggamit ng electronic driver’s license (eDL) bilang solusyon sa problema sa plastic cards.
Ang mungkahi ni Lee ay kasunod ng kautusan ng korte na nagpapatigil sa LTO sa pagproseso sa paggamit ng 5.2 million plastic cards na gagawing driver’s license.
Ikinatuwa ni Lee na tinanggap ng LTO ang una niyang suhestyon na palawigin ng 12 buwan o isang taon ang bisa ng mga driver’s license na apektado ng pasya ng korte.
Bunsod nito ay hinihiling naman ngayon ni Lee sa LTO at Department of Transportation na pagtuunan ang Electronic Driver’s License na mas matipid para sa ahensya at pabor din sa mga motorista.
Ikinatwiran din ni Lee na ang eDL ay mainam na maging bahagi ng Land Transportation Management System portal bilang pagpapalakas sa digitalization efforts nito.