Gusto umanong ipahinto ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pamamasada ng mga e-tricycle sa Maynila.
Ayon kay Moreno, malaki ang naging epekto ng pamamayagpag ng mga e-trike sa lansangan sa kinikita ng mga pumapasadang jeepney driver.
“Ako pinapa-pull out ko na. We will pull it out kasi it generates chaos,” ani Moreno.
Giit pa niya, walang binabayarang prangkisa ang mga ito.
Kung sakaling mapatupad, maapektuhan ang mahigit 300 na e-trike operators.
Paglilinaw ng Manila Public Information Office, ginawang batayan ni Moreno ang pahayag ni MMDA General Manager Jojo Garcia ukol sa mga e-trike.
Sabi ni Garcia, “toy” ang klasipikasyon nila sa nasabing PUV.
Isa si Moreno sa mga alkaldeng pumunta sa pulong ng Metro Manila Council (MMC) sa tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa lungsod ng Makati nitong Huwebes.
Matatandaang parte ito ng programa noon ni dating Mayor Joseph Estrada para mapalitan ang “kuliglig”, “habal-habal”, tricycle, at pedicab.