Pormal nang inilunsad ng Philippine National Police (PNP) at ng Korte Suprema ang Enhanced e-Warrant sytem sa pangunguna nina Chief Justice Diosdado Peralta at PNP Chief Police Gen. Camilo Cascolan.
Ayon sa Supreme Court, kauna-unahan ito sa Justice System ng Pilipinas kung saan target na maging fully automated na ang pag-i-isyu ng warrant of arrest ng mga korte sa bansa.
Layon ng Enhanced e-Warrant ng Supreme Court (SC) na mas mapabilis at epektibo ang serbisyo ng law enforment agencies ng bansa.
Ito ay sa pamamagitan ng paperless na transmission ng mga dokumento at bilang tugon na rin sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Paliwanag ng SC, magsisilbing online data base ng mga warrant of arrest ang Enhanced e-Warrant sytem na magbibigay ng real-time updates sa estado ng isang warrant at kung ano ang naging aksyon dito ng mga kinauukulan.
Ang police stations na makatatanggap ng e-Warrant ay mayroong 10-araw para magbigay ng feedback sa korte kung naisilbi na ba o hindi ang arrest warrant.
Maari ring makita dito ng korte kung mayroong nakabinbin na kaso ang isang akusado.