
Nagpapatuloy ang konstruksyon ng isang Day Care Center sa Sitio Pandayan, Barangay Poblacion sa Alaminos City na inaasahang magsisilbing bagong pasilidad para sa early childhood education ng mga kabataan sa lugar.
Ayon sa lungsod, isinakatuparan ang proyekto sa pamamagitan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) katuwang ang pamunuan ng barangay, matapos ang serye ng konsultasyon, pagpaplano, at pag-apruba ng panukala.
Tinukoy ng mga kinauukulan ang kakulangan sa pasilidad para sa maagang pagkatuto bilang isa sa mga dahilan ng pagtatayo ng day care center.
Layon ng proyekto na magbigay ng ligtas at angkop na espasyo para sa pagkatuto, paglalaro, at paghubog ng pundamental na kasanayan ng mga bata, kabilang ang socialization, basic literacy, at values formation.
Inaasahan ding makatutulong ang pasilidad upang mapagaan ang pangangailangan ng mga magulang sa maayos na child care services sa komunidad.
Tiniyak ng Pamahalaang Lungsod ng Alaminos City na isinasagawa ang konstruksyon alinsunod sa itinakdang pamantayan at target na iskedyul, at magiging handa itong magamit ng mga batang benepisyaryo sa oras na matapos ang proyekto. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










