Sinimulan na ngayong araw ng Department of Education (DepEd) ang pagsasagawa ng early registration sa Kinder, Grade 1, 7 at 11 para sa School Year 2021-2022.
Ayon sa DepEd, ginagawa ito taon-taon upang makatulong sa paghahanda ng mga magulang na magaganap mula March 26 hanggang April 30.
Batay sa quarantine classification ng isang lugar, pwedeng in-person ang registration o pagtawag sa paaralan sa pamamagitan ng online.
Hindi na kasama sa pre-registration ang Grade 2 hanggang 6, Grade 8 hanggang 10 at Grade 12 kaya hindi na kailangang magpa-register.
Ayon kay DepEd Usec. Jesus Mateo, mahalaga ang early registration para sa mga magulang at sa DepEd dahil nakakapaghanda ang mga paaralan partikular sa classroom capacity.
Samantala, hiniling na ng Makabayan Bloc sa House Committee on Labor and Employment na imbestigahan ang hindi pagbabayad ng DepEd sa mga media at production worker na kinuha nito para sa kanilang TV project.
Paliwanag kasi ng Makabayan Bloc, alinsunod sa House Resolution 1662, iginiit nito na obligasyon ng Kongreso na protektahan ang interes ng mga manggagawa kaya naman dapat siyasatin ang hindi pagbabayad ng DepEd.
Nabatid na mayroong 30 team ang kinuha ng DepEd na kinabibilangan ng 20 executive producers na may mga sariling team ng editors, graphic artists, illustrators at teachers na pinangakuan ng buwanang sahod subalit mula noong Setyembre 2020 ay hindi pa sila nasusuwelduhan.