Pinasisiguro ng ilang mga kongresista na hindi masasamantala ang panukalang ‘early voting’ para sa mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs).
Kasunod na rin ito ng pag-apruba ng Committee on Appropriations sa ‘appropriations provisions’ ng panukala na inaasahang maiaakyat na sa plenaryo sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Nueva Ecija Rep. Ria Vergara, kailangang matiyak na hindi maaabuso ang panukala para sa mas maagang pagboto ng mga matatanda at mga may kapansanan.
Nababahala kasi ang mambabatas na posibleng samantalahin ang panukala ng ilang indibidwal na mayroon lamang temporary disability.
Tinukoy ni Vergara na nang minsang ma-aksidente siya ay binigyan siya ng PWD ID na may effectivity ng 3 taon kahit ilang buwan lamang siyang hindi makalakad.
Pinawi naman ni Nueva Ecija Rep. Estrelita Suansing ang pangamba ng kapwa mambabatas at tiniyak dadaan pa rin sa registration ang mga senior citizen at PWDs kaya’t tiyak na masasala ito.
Dagdag pa nito na batay na rin sa titulo ng panukala, titiyakin na para lamang ito sa mga qualified senior citizen at PWD na sumalang sa registration.