Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang substitute bill para sa mas maagang pagboto ng mga senior citizen at persons with disability (PWDs) sa darating na May 2022 election.
Ayon kay Deputy Speaker at Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na siyang may akda ng House Bill 9562, mabuti ang maidudulot nito sa mga seniors at PWDs kung mauuna sila sa pagboto lalo na sa gitna ng pandemya.
Ang early voting ay dati nang ginagawa para sa mga teachers at ilang indibidwal kabilang ang mga board election inspectors at maging ng media.
Sa ilalim ng panukala ay aatasan ang Comelec na mag-iskedyul ng oras ng pagboto para sa senior citizens at PWDs pitong araw bago ang petsa ng eleksyon.
Sa oras na maisabatas, ang Comelec ang gagawa ng Implementing Rules and Regulations (IRR).