Early voting sa mga senior citizens at PWDs, inaasahang maisasabatas ngayong taon

Manila, Philippines – Kumpyansa si House Speaker Pantaleon Alvarez na agad na maisasabatas ang Early Voting para sa mga senior citizens at persons with disabilities matapos na makapasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara.

Ayon kay Alvarez, napagkasunduan na nila ito ng Senado kaya kapag nagbalik sesyon sa Hulyo ay tiyak na ipapasa ito sa Mataas na Kapulungan at ngayong taon din ay inaasahan niyang tuluyan ng maisasabatas.

Sa ilalim ng ipinasang House Bill 5661 sa Kamara ay makakaboto ng mas maaga ang mga senior citizens at PWDs tulad ng absentee voting ng mga OFWs, sundalo, pulis at media.


Layon ng panukala na mas maging kumportable ang mga senior citizens at PWD sa kanilang pagboto.

Sa ilalim pa nito ay bibigyan ng opsyon ang mga itong makaboto ng mas maaga ng pitong araw kaysa itinakdang araw ng halalan.

Inaatasan naman ang COMELEC na makipag-ugnayan sa mga LGU National Council for Disability Affairs (NCDA), Commission on Human Rights (CHR), Department of Health (DOH), at Department of Interior and Local Government (DILG) para sa registration system.

Pinatitiyak rin sa COMELEC na ang mapipiling establisyimento ay dapat na accessible sa mga senior citizen at PWD.

Facebook Comments