Tiniyak ng Eastern Police District (EPD) na magiging patas ang gagawing imbestigasyon sa pagkaaresto sa aktor na si Jake Cuenca matapos umanong mabangga ng kanyang SUV ang isang sasakyang gamit ng mga pulis.
Nangyari ang insidente dakong alas-9 ng gabi nitong Sabado sa Mandaluyong City.
Ayon kay EPD director Police Brigadier General Matthew Baccay, iimbestigahan ng mga pulis ang humabol kay Cuenca upang malaman kung sino ang nagpaputok at kung nasunod ang standard operating procedure.
Nabatid na nauwi pa sa habulan ang insidente makaraang hindi tumigil ang SUV matapos na mabangga ang sasakyan ng mga pulis.
Isinailalim na ang aktor sa medical examination saan magkakaroon din ng inquest proceedings ngayong linggo dahil sasampahan siya ng kasong reckless imprudence resulting in damage to property ng Mandaluyong Police.
Nagpunta ang ama ni Cuenca sa Mandaluyong Police station kahapon at inireklamo na para umanong trinatong kriminal ang aktor at sinabing hindi naman sinadya ni Cuenca na magpahabol.
Samantala, isang Grab driver ang tinamaan ng stray bullet matapos na paputukan ng mga pulis ang gulong ng sasakyan ng aktor.
Nasa maayos naman itong kalagayan kasabay ng pagtitiyak ng MPD na asikasuhin ang mga pangangailangan ng Grab driver.