Pansamantalang ititigil ng “Eat Bulaga” ang pagtanggap ng live studio audience bilang pag-iingat sa 2019 coronavirus disease o COVID-19.
Inanunsyo ito ng noontime variety show sa kanilang official Instagram account ngayong Lunes.
“(This is) to help prevent the spread of the virus and to ensure the health and safety of its talent, staff, crew, and members of its audience,” saad sa post.
Ito’y bilang pakikiisa umano sa hakbang na ginagawa ng gobyerno upang hindi na kumalat pa ang pinangangambahang virus.
“Araw-araw pa rin po kaming maghahatid ng isang libo’t isang tuwa sa inyong mga tahanan. Ingat po tayong lahat, Dabarkads!” dagdag nila.
Ngayong araw, umakyat na sa 20 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).
Itinaas na rin ng DOH ang Code Red Sublevel 1 matapos makumpirma ang kauna-unahang local transmission sa bansa.