EBIDENSYA | Napoles, nagsumite na ng dokumento tungkol sa pagbabanta at harassment sa kanya para maipasok sa WPP

Manila, Philippines – Isinumite na ng kampo ni Pork Barrel Scam Queen Janet Lim-Napoles sa Sandiganbayan ang dokumento na magpapatunay na mayroong banta sa kanyang buhay para payagan siyang mailipat sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ).

Sa isinumiteng incident report, nakasaad na October 12, 2017 ay hinalughog ng BJMP Greyhound team na binubuo ng 40 tauhan ang selda ni Napoles.

Nakasaad sa report na pwersahang pinasok ng mga otoridad ang kanyang selda sa pamamagitan ng pagputol ng chain o lock ng kulungan gamit ang bolt cutter.


Batay pa sa report, kinapkapan din si Napoles ng isang male jail officer at pinagkukumpiska ang mga personal na gamit, dokumento at pinutol pa ang CCTV para hindi makunan ang pagpasok sa kanyang selda.

Napag-alaman din na walang koordinasyon at permiso sa duty officer ang grupong pumasok sa kulungan ni Napoles.

Dahil dito, umaasa si Napoles na aaprubahan ng Sandiganbayan ang kanyang inihaing Urgent Motion for Transfer of Custody to the Department of Justice Witness Protection Program para mabigyang proteksyon ng gobyerno at sa pagpayag na maging state witness ito.


Facebook Comments