Manila, Philippines – Umapela ang Palasyo ng Malacañang sa mga abogado na tumulong sa pangangalap ng ebidensiya para maparusahan ang mga pulis na walang habas na pumapatay sa mga drug suspects kahit hindi nanlalaban ang mga ito.
Ito ang sinabi ng Malacañang sa harap na rin ng viral video kung saan makikita umano na pinatay ng mga pulis ang dalawang drug suspects kahit hindi naman nanlaban ang mga ito.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, mahalaga ang pangangalap ng ebidensiya dahil kung walang reklamo at hindi naman masisimulan ang imbestigasyon at kung walang imbestigasyon ay walang maparurusahan.
Binigyang diin ni Roque na hindi sapat ang press release na mayroong mga reklamo ang kailangan aniya ay mayroong actual complainant na magsasampa ng kaso.
Sinabi pa ni Roque na marami namang ahensiya ng pamahalaan kung saan maaaring ireklamo ang mga umaabusong pulis.
Nandiyan ilan lang aniya sa mga ito ay ang National Police Commission o NAPOLCOM, Internal Affairs Service ng PNP at sa Ombudsman.
Binigyang diin din naman ni Roque na hindi kinukunsinti ng administrasyong Duterte ang pagmamalabis ng mga pulis.