ECC ng dumaong na dredging vessel sa Lobo, Batangas, kinansela na ng DENR

Kinansela na ng DENR, Environmental Management Bureau ang Environmental Compliance Certificate (ECC) ng barkong dumaong sa Lobo, Batangas para magsagawa ng dredging sa dagat.

 

Base sa mga dokumentong nakuha ng lokal na pamahalaan ng Lobo, galing sa Malaysia ang MV Emerald na may sakay na pitong Chinese crew.

 

Ayon kay Jose Elmer Bascos ng Provincial Environment and Natural Resources ang pagsuspinde sa ECC ng dredging vessel ay kasunod na rin ng pag-alma ng ilang residente at lokal na opisyal sa pag-angkla ng barko.


 

Ayon naman sa Seagate Engineering and Building Systems, ang kompanyang kumuha sa barko taong 2008 nang ipagkaloob sa kanila ng LGU ang kontrata para sa dredging project.

 

Pero giit ni Lobo Mayor Jurly Manalo, wala na itong bisa dahil wala namang naumpisahang trabaho ang barko.

 

Dagdag pa ng alkalde, nakaangkla ang barko sa Verde island passage na isang marine protected area kaya hindi sila nag-isyu ng permit.

 

Samantala, dahil suspendido na ang ECC ng barko iniutos na ni Manalo sa Philippine Coast Guard na alisin ito sa lugar.

 

Sa ngayon, susuriin din ng lokal na pamahalaan ang pinsalang iniwan ng MV emerald sa mga koral na pagbabasehan ng pagsasampa nila ng kaso laban sa may-ari nito.

 

Facebook Comments