CAUAYAN CITY- Samu’t-saring paghahanda ang isinagawa ng mga tindera sa bayan ng Echague sa muling pagbubukas ng Echague Banchetto.
Sa panayam ng IFM News Team kay Rose Ann Chy, isa sa nagmamay-ari ng stall sa Banchetto, kabilang sa mga paghahandang ginagawa nila ay ang pagsasaayos ng kanilang mga stalls, paghahanda ng mga produktong ibebenta, at mga kagamitang gagamitin ng mga mamimili.
Aniya, bagama’t malaki ang kapital na kanilang inilalabas upang makabenta ay sulit naman ito dahil kahit papaano ay kumikita sila lalo na at karamihan sa mga nakikipista ay mga mag-aaral at nagmumula pa sa ibang bayan.
Dagdag pa niya, posibleng mas dagsahin ang banchetto ngayon dahil maraming aktibidad ang inihanda ng LGU Echague para sa mga makikipista.
Samantala, inaanyayahan naman lahat ni Ginang Rose Ann na magtungo sa banchetto upang maranasan ang engrande at bonggang Festival ng Echague.