Sinisilip na ng pamahalaan na buksan sa 75% ang ekonomiya sa Metro Manila at kalapit probinsya para mapalakas ang aktibidad ng mga negosyo at kabuhayan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, posibleng tumaas ang hunger incidence at unemployment rate kapag hindi muling pinasigla ang local economy.
Sa ngayon, nasa 50% ng ekonomiya sa Metro Manila ang pinapayagang buksan habang nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
“So, pag-uusapan pa po pupuwede bang mas luwagan natin ang ating ekonomiya ng maging 75% man lang ang Metro Manila at iyong mga karatig na probinsiya kung saan ang bulto ng ekonomiya ay nakasalalay at ano iyong mga pamamaraan para mapatuloy na mapangalagaan ang kalusugan,” ani Roque.
Pero sinabi ni Roque na kailangan pa ring paigtingin ang health measures para maiwasan ang pagkalat ng virus kasabay ng pagpapaluwag ng restrictions.
Ang pagbubukas ng ekonomiya at ilang isyu sa sektor ng pampublikong transportasyon ay tatalakayin sa susunod na Cabinet Meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes.