Sinimulan na ng Kamara ang deliberasyon sa plenaryo ng Resolution of Both Houses No. 2 o ang panukala para sa pag-amyenda ng restrictive economic provisions ng 1987 Constitution.
Sa sponsorship speech ni Committee on Constitutional Amendments Chairman Alfredo Garbin Jr., sinabi nito na bagama’t mistulang pabor sa interes ng mga Pilipino ang economic restrictions, sa katagalan ay nasasakripisyo ng mahigpit na polisiya sa ekonomiya ang kapakanan ng mga tao.
Ipinunto pa ni Garbin na sa pag-amyenda sa economic Cha-Cha ay matitigil na ang mga anomalya at mabibigyang laya ang legislative na luwagan ang ekonomiya na makakatulong sa kinabukasan ng mga Pilipino at ng bansa.
Sinabi naman ni Albay Rep. Joey Salceda na napag-iiwanan na ang Pilipinas ng Vietnam dahil sa mahigpit na ekonomiya.
Hindi aniyang malabong ang isang average Vietnamese ay mas mayaman pa kumpara sa mga Pilipino.
Tinukoy pa ni Salceda na mahigpit nga ang bansa sa pagnenegosyo ng mga dayuhan sa bansa pero kontrolado naman ang ekonomiya ng iilang mga oligopolies na siyang nakikinabang lang sa kanilang mga negosyo.
Punto pa ng kongresista, ang Foreign Direct Investments (FDIs) ay positibo ang resulta pagdating sa human development dahil papasok ang mga oportunidad at trabaho para sa mga Pilipino.
Ipinunto naman ni Marikina Rep. Stella Quimbo na noon pa dapat binago ang probisyon ng saligang batas para buksan ang ekonomiya.
Higit din makatutulong ngayon ang pagpasok ng FDI dahil sa epekto ng COVID-19 sa mga negosyo at trabaho.