Economic Cha-Cha, malabong makapasa ayon sa isang mambabatas

Naniniwala si Albay 1st District Rep. Edcel Lagman na malabong makapasa ang House Resolution No. 2 o ang isinusulong na Economic Charter Change o Cha-Cha ng 1987 Constitution.

Nabatid na lusot na sa House Committee on Constitutional Amendments ang Economic Cha-Cha kung saan nagkasundo ang mga miyembro ng komite na huwag ng isama ang Section 7, Article 12 ng National Economy and Patrimony sa aamyendahan patungkol sa pagmamay-ari ng lupa ng mga dayuhan.

Sa interview ng RMN Manila, binigyan diin ni Lagman na labag sa Konstitusyon ang pagsisingit ng katagang “unless otherwise provided by law” sa mga restrictive economic provisions ng Saligang Batas partikular sa Articles 12, 14 at 16.


Paliwanag ng mambabatas, pinapayagan lang sa Konstitusyon ang pag-amyenda sa Saligang Batas kung ito ay sa pamamagitan ng Constitutional Assembly, Constitutional Convention at People’s Initiative.

Nabatid na para ganap na mapagtibay ang Economic Cha-Cha sa Kamara ay mangangailangan ng 3/4 votes mula sa lahat ng mga kongresista.

Pero tiwala si Lagman na sakaling maipasa ito ng Kamara ay ibabasura naman ito ng Senado lalo na’t hindi pa ito napapanahon.

Facebook Comments