Economic Cha-cha, suportado ng ilan sa public utilities

Sa deliberasyon ng House Committee of the Whole ukol sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 ay nagpahayag ng suporta ang mga public utility organizations sa economic charter change (Cha-cha) na kapapalooban ng katagang “unless otherwise provided by law.”

Diin ni Manila Electric Company (Meralco) Senior Vice President Atty. Jose Ronald Valles, tiyak itong hahatak ng pamumuhunan sa sektor ng enerhiya na magbuhunga ng mahusay na serbisyo at mas murang presyo ng kuryente.

Sabi naman ni Philippine National Railways (PNR) Chairman Michael Ted Macapagal na ang naturang kataga ay paraan upang mas mabilis maka-adapt ang pamahalaan sa mga ilalabas nitong patakaran at polisiya sa public utility para makasabay sa nagbabagong panahon at pangangailangan pang ekonomiya.


Giit naman ni Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Board of Trustees Chairman Elpidio Vega, mahalaga ang nabanggit na kataga para matugunan ang mga sitwasyon sa hinaharap kung saan maaring idaan sa lehislasyon kung dapat na maging buong pagmamay-ari ng mga dayuhan o may porsyentong pag-aari pa rin ng Pilipino ang water concessionaires.

Tiniyak naman ni Commissioner Ella Blanca Lopez ng National Telecommunications Commission (NTC) ang patuloy na suporta sa pag-liberalize sa telecommunications service industry sa bansa upang masiguro na makakatugon sila sa mga nagaganap na pagbabago.

Facebook Comments