Naniniwala si Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte na patay na talaga sa Kongreso ang economic Charter change o economic Cha-cha.
Ito ay kasunod ng pag-endorso mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) sa tatlong panukalang batas na pang-ekonomiya kabilang dito ang Public Service Act, Foreign Investment Act at Retail Trade Liberalization Act.
Ayon kay Villafuerte, malinaw sa SONA ng pangulo na hindi ikinukunsidera ng Malakanyang ang Cha-cha bilang “silver bullet” o solusyon na makakatugon sa mga isyung pang-ekonomiya.
Para kay Villafuerte, ang tatlong priority bills ay sapat na para sa i-liberalize ang ekonomiya upang makahikayat ng mga foreign direct investments at magkaroon ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino, hanggang sa makabawi mula sa mga epekto ng pandemya.
Bagama’t naunang napagtibay sa Kamara, nakatengga naman sa Senado ang pagtalakay sa economic Cha-cha.
Aminado naman si House Committee on Constitutional Amendments Chairman Alfredo Garbin na wala nga sa SONA ang Cha-cha dahil posibleng batid ng pangulo na wala sa kanyang kamay kundi nasa plebisito ng taumbayan ang magiging kapalaran nito.
Hindi aniya kasi ito ordinaryong lehislasyon na ipapasa ng Kongreso at lalagdaan lamang ng pangulo.