Economic empowerment ng mga kababaihan, isinulong ni Legarda

“Hindi pa tapos ang laban ng mga kababaihan.”

Ito ang binigyang-diin ni three-term Senator at House Deputy Speaker-Antique Congresswoman Loren Legarda kasabay ng selebrasyon ng International Women’s Day ngayong araw.

Giit ni Legarda, bagama’t malayo na ang narating ng pakikipaglaban natin para sa karapatan at kapakanan ng mga kababaihan ay may mga nakararanas pa rin ngayon ng diskriminasyon at pang-aabuso.


Para sa senadora, kulang ang implementasyon sa mga batas na nangangalaga sa mga kababaihan.

Nabatid na pinangunahan at naging kabahagi si Legarda sa pagsasabatas ng Magna Carta on Women, Anti-Domestic Violence Act, Women in Development and Nation Building Act, Anti-Trafficking in Persons Act at Expanded Maternity Leave Law.

“Maraming batas pero yung pagpapatupad nito, may kakulangan pa. Habang may babaeng inaabuso at may babaeng kulang ng karapatan, ibig sabihin, hindi pa lubos ang pag-implement,” ani Legarda.

“Nagbago na ang kaisipan natin sa pagtingin at pagturing sa kababaihan dahil nagkaroon na ng boses ang bawat kababaihan pero marami pa ang naaapi at nagiging biktima ng diskriminasyon kaya hindi pa tapos ang laban at malayo pa ang landas na ating tatahakin,” dagdag niya.

Samantala, maliban sa pagbibigay ng proteksyon at pantay na oportunidad sa lipunan, naniniwala rin si Legarda na dapat ding patibayin ang kontribusyon at partisipasyon ng mga kababaihan sa ekonomiya.

Ito ang dahilan kung kaya’t tinitiyak ni Legarda na naipatutupad ang mga ginawa niyang batas gaya ng Magna Carta on Micro, Small and Medium Enterprises at Barangay Kabuhayan Law.

“Maliban sa iba’t ibang aspeto gaya ng healthcare, gaya ng laban sa diskriminasyon, physical and emotional protection, ang isa sa mahalaga ay economic empowerment. Napakalaking halaga kung ang kababaihan ay magkaroon ng access sa financial, livelihood, dahil taglay ng kababaihan ang disiplina, pagiging resourceful at tiyaga upang maging maayos ang takbo ng kanilang mga buhay,” saad ni Legarda sa interview ng RMN.

Facebook Comments