Posibleng pumalo sa ₱9.4 billion ang mawawala sa ekonomiya dahil sa traffic sa taong 2027.
Sa ginanap na traffic summit, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes na lumubo na sa 3.6 million ang mga sasakyan sa Metro Manila nitong 2023, kumpara sa 3.2 million noong taong 2021.
Batay sa Land Transportation Office (LTO), nasa 32,000 na mga bagong sasakyan ang narerehistro sa Metro Manila kada buwan.
Kaya naman sa pag-aaral na isinagawa ng Japan International Cooperation Agency, ang economic loss ng traffic kada araw ay umaabot na sa 4.9 billion noong 2020, at kung hindi maaayos ang trapiko at walang gagawin ang pamahalaan tungkol dito, posibleng umabot sa 9.4 billion sa taong 2027.
Dahil dito, sinabi ni Artes na ang permanenteng solusyon sa lumalalang traffic ay ang pagpapabuti sa imprastraktura, tulad ng kalsada, tulay, at efficient na mass transportation.
Gayundin ang decongestion ng Metro Manila at epektibong polisiya sa trapiko.