Economic Managers at DA magpu-pulong hinggil sa pagpapatigil sa pag-aangkat ng bigas

Magpu-pulong ang mga Economic Managers kasama ang Department of Agriculture (DA) sa oras na opisyal nang ipagutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatigil sa paga-angkat ng bigas.

Ito ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles ay upang matukoy kung mayroong malalabag na probisyon ang kautusang ito sa ilalim ng Rice Tarrification Law.

Ayon kay Secretary Nograles, bagama’t maituturing na hypothetical pa lamang ang usaping ito dahil wala pa namang ibinababang kautusan ang pangulo, sa oras aniya na maging opisyal na ito ay magmakaroon ng pulong ang mga eksperto.


Mayroon kasi aniya partikular na binanggit sa ilalim ng RTL kung kailan lamang maaaring ipatigil ang importasyon ng bigas.

Sinabi rin ni Nograles na posibleng sa susunod na Cabinet meeting ay maisama na ito sa mga agenda na kanilang tatalakayin.

Matatandaan na sa isang panayam sa pangulo nitong weekend, nabanggit nito ang nais na pagpapatigil sa rice importation tuwing harvest season upang matulungan ang mga magsasakang maibenta muna ang kanilang palay. Ito ay sa gitna pa rin ng usapin ng pagbagsak ng presyo ng palay, dahil na rin sa pagbaha ng murang imported rice sa merkado.

Facebook Comments