Economic managers ni PBBM, tiwalang kakayanin ng bansa na mapanatili ang 4.5 percent inflation ngayong taon

Kumpiyansa ang economic managers ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na kakayanin ng bansa na mapanatili sa 4.5 percent ang inflation ngayong taon.

Ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno, ito ay dahil sa maganda ang gross domestic product growth ng bansa.

Sinabi pa ng kalihim na unti-unti nang lumalakas ang ekonomiya ng bansa.


Sa kasalukuyan, patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa Pilipinas.

Halimbawa na ang sibuyas na naglalaro ang presyo sa P600 kada kilo habang ang asukal naman ay nasa P100 kada kilo.

Sinabi naman ni National Economic Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na hindi permanente ang isyu sa inflation.

Isa sa mga dahilan aniya kung kaya tumataas ang bilihin dahil sa epekto ng iba’t ibang kalamidad.

Una nang iniulat ng Global Risks Report 2023 sa World Economic Forum na ang debt o utang at inflation ang pangunahing banta sa Pilipinas.

Sa naturang pag-aaral, sinabi ng mga negosyante na limang bagay ang nagbabanta sa Pilipinas.

Una ang natural disasters, pangalawa ang debt crisis, pangatlo ang inflation, pang-apat ang misinformation at pang-lima ang geopolitical disputes sa mga tanging yaman o resources.

Tinukoy ng naturang report na ang Pilipinas ay isa sa mga bansa na madalas na daanan ng iba’t ibang uri ng kalamidad.

Facebook Comments