Nagtagumpay ang economic team ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa paglalako sa Pilipinas sa World Economic Forum sa Davos, Switzerland bilang isang investment destination sa Asya.
Ito ay dahil sa siyam na kompanya ang una nang nagpahayag ng interes na maglagak ng negosyo sa Pilipinas.
Ayon kay Trade Secretary Alfredo Pascual, apat na mga dayuhang mamumuhunan ang kanyang nakausap na palawakin pa ang pagnenegosyo sa bansa.
Halimbawa na ang isang Swiss company na isa sa pinakamalaking operators ng natural resources industry.
Nagpahayag aniya ang naturang kompanya na tumulong sa Pilipinas sa pag-proseso sa nickel ores.
Nakausap din ni Pascual ang CEO ng Dubai na may kompanya sa United Arab Emirates na nagbabalak na maglagay ng logistics at transport company sa Pilipinas.
Gaya aniya ng isang kompanya, kailangang ibenta ang isang produkto para kumita.
Sa panig naman ni Transportation Secretary Jaime Bautista, sinabi nito na limang kompanya na sa sektor ng transportasyon ang nagpahayag ng kahandaan ng pagnenegosyo sa Pilipinas. Hindi lamang aniya sa Asya kundi maging sa Europa may operasyon ang limang kompanya.
Dagdag pa ni Bautista, maging si dating United Kingdom Prime Minister Tony Blair ay nagpahayag din ng kahandaan na suportahan ang railway projects ng pamahalaan.
Sinabi naman ni Finance Secretary Benjamin Diokno na kaya nahikayat ang mga dayuhang mamumuhunan dahil may magandang istorya na maikukwento ang Pilipinas.
Ayon naman kay National Economic Development Authority Arsenio Balisacan, nais ng mga dayuhang mamumuhunan na marinig at malaman kung ano na ang lagay ng bansa.
Maging ang International Monetary Fund aniya ay very good ang rating sa bansa at walang nakitang problema sa pagnenegosyo maliban na lamang sa climate change na problema ng buong mundo.
Pakiusap ng economic managers sa taong bayan, huwag mainip kung kailan mararamdaman ang mga maiuuwing negosyo.
Ayon kay Balisacan, long term kasi ang structural transformation at mararamdaman ito hindi lamang ng isa o dalawang taon kundi maging sa susunod na 50 taon.