Sa tingin ni Senator-elect at Sorsogon Governor Francis Chiz Escudero, maganda ang naging dating sa sektor ng negosyo at international community ng pagtatalaga ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kaniyang economic team.
Ayon kay Escudero, ito ay dahil na rin sa kanilang mayamang karanasan at pagiging dalubhasa sa larangan na maaaring makapagbibigay ng pag-unlad at katatagan sa ating ekonomiya sa harap ng nangyayaring pandemya.
Tiwala si Escudero, nasa tamang direksiyon ang pagtatalaga kina Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Gov. Benjamin Diokno bilang Secretary of Finance gayundin kay dating University of the Philippines President Alfred Pascual bilang Trade and Industry Secretary.
Suportado din ni Escudero ang pagtatalaga kay Monetary Board Member Felipe Medalla bilang kapalit ni Diokno sa BSP at dating Socio-economic Planning Sec. Arsenio Balisacan bilang hepe ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Bunsod nito ay walang nakikita si Escudero na magiging problema sa Commission on Appointments kapag isinumite na ang kanilang mga pangalan para sa kompirmasyon lalo’t kung wala namang mabibigat na isyu laban sa kanila.