
Tiniyak ng economic team ng pamahalaan na may mapapanagot at may makukulong sa katiwalian ng flood control projects sa katapusan ng Nobyembre.
Ito ang siniguro ni Senator Sherwin Gatchalian sa gitna ng pag-sponsor nito sa budget ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa pagsisimula ng budget deliberations para sa 2026 national budget.
Ayon kay Gatchalian, kumpyansa si Finance Secretary Ralph Recto na sa November 30 o sa susunod na 15 araw ay mayroong makukulong na sangkot sa flood control corruption.
Paliwanag ng senador, hindi man ito parte ng economic policy ng gobyerno pero isa itong hakbang tungo sa confidence building o pagpapanumbalik sa tiwala ng publiko, ng business community, gayundin ng mga investors, taxpayers at mga consumers sa pamahalaan.
Binigyang-diin ni Gatchalian na maituturing pa ring economic policy ang pagpapanagot sa mga nagkasala at sangkot sa katiwalian sa pamahalaan dahil may epekto ang mga nangyaring anomalya sa paglago ng ekonomiya.









