BINALONAN, PANGASINAN – Nalalapit na ang pagbubukas ng economic zone at industrial park sa Binalonan, Pangasinan. Nagpapatuloy ang konstruksyon ng Sumi North Philippines Wiring Systems o SNPW sa lokalidad.
Pagawaan ito ng wiring harness at industrial products na pang-export sa mga bansang Japan at sa North America.
Nakatayo ito sa dalawampung (20) ektarya ng lupain at ito ang kauna-unahang locator sa industrial part ng bayan.
Inaasahang makapagbibigay ito ng nasa sampung libong (10,000) trabaho para sa mga Pangasinense. Naniniwala naman si Pangasinan 5th District Representative Ramon Guico III sa ‘multiplier effect’ na maaaring mangyari sa pagbubukas ng nasabing industrial park.
Aniya, hindi lamang ang Binalonan ang makapagbebenepisyo rito kundi maging ang mga kalapit na bayan ng Laoac, Pozorrubio at Urdaneta City dahil tiyak umanong marami ang magpapakita ng intensyon na mamumuhunan at mag-develop nito mula sa Information Technology, Aviation, at Business Process Outsourcing Industries.